by Mr. Regil Dela Cruz
Noon pa man, bantog na sa kaunlaran ang Munting Maynila – na siyang taguri sa bayan ng Aliaga.
Sadyang dinarayo ng mga karatig pamayanan ang masaganang kalakalan at maunlad na pamumuhay dito, sa ilalim ng pagkakandili ng Masintahing Ina, ang Nuestra Señora De Las Saleras.
Naglalarawan sa katangian ng inang dalisay na nagmamahal sa kaniyang anak ang banal na imahen ng Ina ng bayang ito. Para sa bawat pamilya, kinakatawan ng patrona ang pagiging ulirang ina sa kanyang mga supling at kabiyak ng puso. Itinuturing siya bilang asin na nagbibigay-lasa sa buhay at ilaw na nagtatanglaw sa pagtugaygay ng tao sa madidilim na landasin ng buhay.
Pumukaw sa puso ng bawat mananampalataya sa bayang ito ang kariktan ng mukha ng Mahal na Birhen. Nagsilbi siyang inspirasyon upang patuloy na mag-alab ang buhay pananampalataya ng mga Romano Katoliko. Nag-uudyok ang Masintahing Ina sa bawat pamilyang Aliageño na sumampalataya at sumamba sa kanyang Anak na si Hesukristo na kalong nito sa kanyang bisig.
Mga Tampok na Pagdiriwang
Likas na mahilig sa kasayahan at pagdiriwang ang mga Aliageño. Bahagi na ng kultura nila ang iba’t ibang selebrasyon na nagbibigkis sa samahan nila bilang komunidad, maging ito man ay gawaing pampamayanan o pansimbahan.
Ilan sa mga ito ay ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan, tuwing ika-12 ng Hunyo, kung saan tampok ang pinakamagandang dilag na may titulong Inang Filipina.
Singhalaga nito ang Araw ng Aliaga, tuwing sasapit ang ika-8 ng Pebrero. Masasalamin sa pagdiriwang na ito ang diwa ng bayanihan sa mga Aliageño na kinabibilangan nga mga pinuno ng Samahang Nayon at ng barrio opisyales na sakop ng bayang ito.
Patuloy naman na humuhubog sa buhay pananampalataya at kabanalan ng mga tagarito ang gawaing pansimbahan. Sa bawat Kristiyano rito,sadyang kapana-panabik ang taunang pagdiriwang ng Semana Santa. Marubdob na nakikibahagi ang madla sa Pabasa o paawit na paglalarawan sa buhay at pagpapakasakit ng Panginoong Hesus.
Sadyang pinaghahandaan ng mga pamilyang camarero ang pag-aayos ng imahen ng santo para sa prusisyon sa mga araw ng Miyerkules at Biyernes Santo hanggang sa Linggo ng Pagkabuhay. Tampok rito ang Salubong na sadyang kapanapanabik at nagbibigay-kulay sa buhay pananampalataya ng mga Romano Katoliko sa pamayanang ito.
Masayang nagdiriwang ang buong bayan tuwing sasapit ang Kapistahan ng Mahal na Birheng De Las Saleras sa ika-26 ng Abril. Matapos ang siyam na araw na paghahanda sa karangalan ng Mahal na Ina at pagdiriwang ng Banal na Misa, ibinababa ang banal na imahen mula sa kanyang luklukan upang iprusisyon sa loob ng kabayanan. Dinadaluhan at sinasaksihan ito ng mga deboto, mananampalataya, at mamamayan ng bayang ito.
Pinaglalaanan para sa kanilang kasiyahan ang masasarap at ispesyal na pagkaing handa ng bawat pamilya para sa kanilang panauhin at kaanak na magbabalik-bayan upang manalangin at magbalik-handog sa Mahal na Birhen.
Sa gabi naman, may natatanging pagtatanghal ng talento o musical jamboree na nagbibigay kasiyahan sa mga dumarayong nakikiisa sa pagdiriwang.
Ang pagdaraos ng May Flower o Flores de Mayo sa bayan ng Aliaga ay isa sa mga okasyon na nagbibigay kasiyahan sa lahat. Tampok dito ang araw-araw na pag-aalay ng sariwang bulaklak sa Mahal na Bihen, ang pagdarasal ng Sto. Rosario, at pagdiriwang ng Santa Misa.
Bukod rito, nagkakaroon din ng siyam na araw na paghahahanda o nobenaryo sa karangalan ng Masintahing Ina. Sa araw naman ng kapistahang itinakda ng mga hermano at Hermana, itinatampok ang sagala, kung saan masisilayan ang piling mga binibini ng bayan mula sa iba’t ibang nayon.
May titulong hango sa Litanya sa Mahal na Birhen ng Sto. Rosario ang mga sagala. Namumukod-tangi ang titulong Nuestra Señora De Las Saleras, ang patrona ng sambayanang ito. Kasunod nito ay ang iba’t ibang kasayahan tulad ng awitan, sayawan, sama-samang kainan, at sarzuela.
Buhay at Alaala ng Mahal na Birhen
Si Gng. Maria Gregorio Vda. de Dumlao, kapatid ng namayapang Obispo, Lubhang Kagalang-galang Camilo Gregorio, D.D., ay nasa isang daan at apat (104) na taong gulang na sa kasalukuyan. Bahagi ng makintal na alaala niya ang karanasan tungkol sa Mahal na Birheng, pintakasi ng bayan ng Aliaga. Ayon sa kanya, mula pa noong bata, isinasama na siyang magsimba ng ama niyang si Eugenio, isang huwes ng bayang ito.
Lagi niyang pinagmamasdan ang Nuestra Señora Delas Saleras na nakaluklok sa altar ng simbahan ng Aliaga. Nagsisilbing daingan ng mamamayan itong pintakasi sa kanilang hibik at dalamhati. Naging saksi rin ito sa buhay na dinaranas nila araw-araw. Sa kanyang pamamagitan, maluwalhating napagtatagumpayan ng mamamayan ang bawat hamon ng buhay.
Ayon kay Gng. Florencia Dumlao, Enero 25, 1964 ng ikasal siya kay Sergio Santos sa simbahan ng bayan ng Aliaga. Labis-labis ang kasiyahan at paghanga niya sa maamong mukha ng imahen ng Mahal na Birhen sa altar. Subalit, makalipas lamang ang ilang taon, ginimbal ang buong bayan noong 1968 nang mawala ang ulo ng patrona ng bayan.
Marami ang nalungkot at napaluha sa pangyayaring ito. Ganuon pa man, hindi kaila sa kanila kung sino ang may gawa nito sa mga taong simbahan noon. Batid nila kung sino ang salarin sa likod ng pangyayari. Ang labis na nakapanlulumo, walang pormal na pag-uulat ang parokya sa Diyosesis ng Cabanatuan tungkol sa nangyaring nakawan.
Dahil hindi maganda ang magdiwang ng Banal na Misa na walang ulo ang patrona, kaagad din silang nagsikap upang mapalitan ito at maging kaaya-aya sa paningin ng mga deboto. Walang anumang naganap na paghahanap sapagkat hindi nila alam kung saan ito hahanapin. Nanatiling ganoon ang sitwasyon tungkol sa usapin; nagpatuloy ang buhay Kristiyano ng mga mananampalataya sa bayan.
Buhay at Alaala ng Mahal na Birhen
Noong Hunyo 1989, dumating ako sa simbahan ng bayan ng Aliaga bilang kalihim ng Parokya. Pinag-aaral din ako sa kolehiyo ng nakatalagang Kura Paroko, si Rdo. P. Dante F. Garcia. Dito ko nakilala sina Tia Vences Fajardo Soro, retiradong guro at ang kapatid niyang si Tia Sesing. Tagapamahala ang magkapatid sa paggagayak o pagbibihis sa patrona ng pamayanang ito.
Ayon sa kanila, hindi ito ang orihinal na ulo ng birhen. Nawala ang orihinal at pinalitan na lamang ng iba upang mailuklok sa kanyang dambana na buo ang imahen. Gayon pa man, marami ang pamilyang nagpapadamit dito pagsapit ng kapistahan at kaarawan niya tuwing ika-8 ng Setyembre.
May mga pamilyang kinukuha muli ang damit na isinuot ng imahen upang magsilbing kagamutan sa panahon ng karamdaman. Ang iba naman ay naniniwalang nagbibigay ito ng maraming biyaya at pagpapala mula sa Diyos sa kanilang pamumuhay. Mayroon din mga pamilyang nagpapadamit sa Birhen bilang pasasalamat sa katuparan ng kanilang hiling at marubdob na panalangin.
Noong 1991, sa pangunguna ni Rdo. P. Dante F. Garcia, inilunsad ang pagpapagawa ng gusali ng simbahang dalanginan ng bayan.
Sinuportahan siya ng Pamunuan ng Parish Pastoral Council, sa pamumuno nina G. Eusebio Olanda kasama nina Fernando Bautista, Zenaida Bayudan, Anicia Bayudan, Praxedes Landicho, Charito Olanda, Soledad Sanchez, Milagros Olanda, Leonida Romero, Dr. Bienvenido Romero, Pedro Pagba, Nena Ordanez, Pinky Bayudan, at D’lailah F. Olanda.
Tinangkilik din ang proyekto ng pamunuan ng Barangay Pastoral Council na sina Gng. Franscica Dizon, Monica Yamson, Alicia Puno, Benita Mamaclay, Anastacia Villa, Norberto Macalinao, Precy Domingo, Payang Agdipa, Rosing Dela Cruz, Nene Bayudan at iba pang lider layko.
Taong 1992, dinamitan ni Aureo Alonzo, kilalang couturier ng bansa, ang birheng patrona ng Aliaga. Kasabay ng pagdiriwang ng kapistahan ng bayang ito sa taon ding nabangit, iniluklok ang Birheng Maria sa bagong gawang luklukang nakasentro sa altar. Pinanatili naman ang kanyang antigong orna bilang bahagi ng bagong disenyo nito.
Noong September 1994, nakiisa kami sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Birhen ng Peñafrancia sa lalawigan ng Camarines Sur, bayan ng Naga. Sumaksi kami sa natatanging tradisyong ng mga Bicolano—ang fluvial parade at maringal na pagpasok ng mapaghimalang imahen ng birhen sa kanyang dambana.
Kasama namin sa paglalakbay na ito ang aming Kura Paroko, Rdo. P. Dante F. Garcia at iba pang pari sa Diyosesis ng Cabanatuan, sa paanyaya ng Lubhang Kagalang-galang Sofio G. Balce, Jr. D.D. Kabilang din sa paglalakbay ang mga piling madre ng Missionary Catechist of Saint Therese (MCST) na sina Sr. Carolina Dañopoc at Sr. Esperanza Hate.
Sa paanyaya ni Sr. Carolina, namasyal kami at inilibot niya sa Villa Escudero, sa Lungsod ng San Pablo. Buong pagmamalaki niyang ipinamalas sa aming ang napakagandang lugar na ito. Nawili kami sa malawak na lupaing puno ng mga punong niyog at mabubulaklak na halaman. Labis na nakapagbibigay ginhawa sa damdamin namin ang malamig na simoy ng hangin at banayad na sikat ng.
Subalit nang dumako kami sa Museo na idinisenyo katulad ng isang bisita, ipinagbawal ang pagdadala ng camera at pagpapakuha ng litrato sa mga antigong imahen na naroon at bahagi ng kolesiyon ng Pamilya Escudero.
Hinding-hindi ko malilimutan ang tagpong ito sa buhay ko. Nakatawag pansin sa akin ang napakagandang imahen ng Mahal na Birhen na may kilik na sanggol sa dibdib. Tila nauupos akong kandila ng mabasa ko sa ibaba ng imahen ang titulong NUESTRA SEÑORA DE SALERA.
Anupa’t biglang sumagi sa isipan ko na baka ito ang ulo ng nawawalang imahen ng birhen ng aming bayan. Alam kong nag-iisa lamang ang titulong ito ng Mahal na Birhen sa buong Pilipinas.
Dagli akong lumapit sa aming pari at sinabi sa kanya ang nakita kong birhen. Agad naman siyang sumunod sa akin. Namangha din siya sa nasilayang mukha ng birhen. Malaki nga ang pagkakahawig nito sa larawang naiwan ng birhen sa aming bayan na tila limot na ng mga tao. Nasabi niya, “Baka dito nga ipinagbili ng kumuha ang ulo ng birhen. Subalit paano natin mababawi ito?” malungkot na dagdag niya.
Sa paningin ko’y biglang lumamlam ang mga mata ng imahen. Nawala ang saya sa aking damdamin na nadarama lang kani-kanina. Sa halip, napaalitan ito ng lungkot at panghihinayang dahil kapwa namin hindi na masisilayan pa ang isa’t isa.
Taong 1995 ng humaliling Kura Paroko si Rdo. P. Ariel G. Musngi. Ipinagpatuloy niya ang napasimulang pagpapagawa ng gusaling simbahan na naiwan ng dating kura paroko. Sa kahusayan sa pamamahala at matapat na paglilingkod sa bayang ito, ganap niyang naipatapos ang bahay dalanginan sa karangalan ng mahal na birheng patrona ang NUESTRA SEÑORA DE LAS SALERAS.